Friday, April 8, 2011

Venus Raj to share everything she knows about competing in beauty pageants to the next title holders

by Rommel R. Llanes
April 8, 2011
pep.ph


Kapag sinabing "major, major" wala nang ibang naiisip pa ang mga Pilipino kundi ang Binibining Pilipinas-Universe 2010 at Miss Universe 2010 4th runner-up na si Venus Raj.

Sa pagkakapili nga sa kanya bilang bagong endorser ng Pizza Hut, kasama sa posters na ginawa ang pamoso na niyang linya na 'yon.

Tinanong tuloy ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Venus kung hindi ba niya naisip na ipa-copyright o ipa-patent ang "major, major" na una niyang binanggit sa kanyang sagot sa question-and-answer portion ng sinalihan niyang Miss Universe pageant noong nakaraang taon.

"Well, nung una, parang...kasi halos kahit saan, di ba, lumalabas? Kahit mga department stores, 'major, major sale!' yung mga ganun? Naisip nga namin, 'Bakit hindi natin i-patent, 'no?'" sagot muna ni Venus sa PEP at sa harap ng iba pang press sa launching niya bilang endorser ng pizza restaurant na ginanap sa Glorietta 4 branch ng Pizza Hut.

"Pero dahil nga international yung naging venue ng pagkakasabi ko ng mga words na yun, siguro hindi mo na rin mapipigilan ang mga tao kung gusto nilang ulit-ulitin, di ba? And kung gagamitin man nila, okey lang din sa akin. At least, natatandaan din nila ako," patuloy ng 22-year-old half-Indian, half-Filipina na dalaga. 

Sa darating na Linggo, April 10, ay ipapasa na niya ang kanyang korona sa bagong hihirangin na BB. Pilipinas-Universe sa gaganapin na Binibining Pilipinas 2011 beauty pageant sa Araneta Coliseum.

Tinanong si Venus kung ano ang nararamdaman niya sa nalalapit na pagbitaw na niya sa korona. 

"Mixed emotions. Kasi, oo, matatapos na yung reign ko, may panibago nang Bb. Pilipinas-Universe, may panibago nang magko-compete for international pageant. I'm happy, actually, for them. At least, mae-enjoy rin nila kung ano yung na-experience ko sa international pageant. Mae-experience din nila yung feeling ng ano ang feeling na naroon at nagko-compete. And I'm always praying na sana, galingan din nila. Na sana, ma-surpass nila kung ano yung na-attain natin this year."

Gusto rin daw ni Venus na i-share ang lahat ng nalalaman at experiences niya sa beauty pageants sa susunod na representatives sa international beauty pageants.

"Kung sino nga yung mananalo, parang gusto ko siyang tulungan talaga, siguro sa training, o kung ano man yung mga experiences ko, ise-share ko sa kanya. Para hindi siya maninibago o mangangapa kapag nandun na siya.

"Gusto kong ipakita nila na yung mga Pilipino, yung hindi basta lang pupunta, magiging part lang ng official candidates, 'tapos wala namang mangyayari.

Sa press launch ay nagsilbi pa personally ng pizza si Venus sa mga bisitang press. Biniro pa siya ng PEP na "Venus Raj, Serbidora," na ikinatawa naman ni Venus at sinagot ng, "Ay, gusto ko yatang magka-teleserye na ganyan ang title!"

Tinanong tuloy ng PEP si Venus nung mismong presscon proper kung mayroon nga bang naka-lineup sa kanyang teleserye ang ABS-CBN.

"Hopefully magkaroon. Pero sa ngayon, sobrang nag-e-enjoy ako sa Umagang Kay Ganda. Sabi ko nga, sana magpatuloy at magtagal ako sa show na yun.

"And siguro kung magkakaroon man ng teleserye, tatanggapin ko. As long as hindi naman din yung masyadong bugbog ako, yung hindi na ako nakakapagpahinga, yung wala na rin akong time para sa sarili ko. As long as naaalagaan ko pa rin yung health ko," sagot ng beauty queen.

At kung sakaling magkaroon man siya ng teleserye, gusto niya bang ang crush niyang si Coco Martin ang agad na makapareha niya?

Natawa muna ang dalaga, "Masyado kasi akong higante, e."

May taas kasing 5'10" ang dalagang tubong-Bato, Camarines Sur, habang si Coco naman ay nasa 5' 5" to 5'6" naman ang height.

"Hopefully...hindi naman imposible ang mga bagay-bagay. Kung mangyayari, mangyayari rin 'yan. Huwag nating madaliin.

"Kung mangyayari [na magkapareha sa isang teleserye], ako na siguro ang pinakamasayang babae!"

No comments:

Post a Comment